Thursday, 10 January 2013

Ang Huling Paglipad..

Ang Haribon.

Hari ng mga ibon.

Maestro ng himpapawid.

Panganib at kagandahan na lumilipad.

Ito ang aking paboritong ibon at hayop. Para sa akin, ito ang isa sa pinakamagandang nilalang ng ating Panginoon sa mundong ito. Ang kanyang pangalan, pinaikli mula sa mga salitang "haring ibon", ay tunay nga namang naaayon at karapat-dapat na itawag sa kanya. Wala nang mas gaganda pa sa ibon na ito.

 Ang kanyang tuka ay walang kasing talas at dilim; tinatago ng taglay nitong ganda ang lakas ng bawat kagat at ang panganib na dala nito sa kanyang mga biktima. Ang kanyang mga pakpak ay maikli, malapad at matikas - tamang-tama sa pagkilos nang maliksi at walang-hirap sa mga masukal na kakahuyan na siya niyang hinaharian. Ang katawan niya ay malakas ngunit magaan, katangi-tangi sa isang atleta na lumilipad. Ang dilim ng kanyang tuka ay tinatalo lamang ng kulay ng kanyang kuko, na kayang pumatay sa isang iglap ng kahit anong sa tingin niya'y pagkaen. Ang buntot niya ay malakas din at maliksi at gamit niya sa mga mabilisang liko at preno. Ang lahat ng ito ay katangian ng hari na walang katulad..

Ngunit - ang pinaka-natatangi sa lahat, ay ang kayang walang kaparis at walang kasing gandang korona.

Ang mga pluma sa kanyang ulo ay mistulang korona na nagpapatindi sa taglay niyang kamaharlikhaan. Ito'y naihahalintutulad sa balahibo ng leon, na siya rin tinatawag na hari ng mga hayop. Ang Haribon na nakatindig ang korona ay walang kasing dakila at walang kasing tapang ang dating. Kung pwede lang makapatay ang tingin, dun palang ay wala nang natirang buhay sa harapan niya.

Mapanganib. Malakas. Maganda. Maharlikha. Lahat ng ito ay nararapat na salita sa hari ng himpapawid. 

Sa kasamaang palad, ang ibon na kilabot ng lahat ng hayop sa buong pilipinas ay siya rin nanganganib na mawala sa kaharian nito. Ang panganib ay galing sa tanging ibang hayop na kayang limipol sa kanya - ang tao. Sa dami ng problema ng lipunan ngayon, may mga bagay na nangangailangan ng atensyon ng bayan ang tuluyan nang naibaon sa alaala ng buong lahing Pilipino, liban nalang ng iilang bilang na katao. Isa dito ang kalagayan ng ating pambansang ibon, na bilang nalang ang natira sa kaparangan. Kung susumahin ang estado ng populasyon ng Haribon sa pilipinas, masasabing ito ay naghihingalo at halos wala nang pulso. Halos patay na, at nakasalalay nalang sa kamay ng ilang kataong may malasakit and hindi pa nakakalimot.

Nakakalungkot isipin na ganito ang dinadanas ng pambansang ibon. Nakakalungkot. Nakakatakot.

Lumipas na ang panahon na kayang lumipad nang malaya ng Haribon sa himpapawid ng bansa. Maaaring dumating ang araw na dumating ang huling paglipad nito nang hindi manlang namamalayan ng mga tao. Sa kasamaang-palad, maaaring dumaan na pala ang araw na ito.

No comments:

Post a Comment