Tuesday, 19 June 2012

Matanda Kana Nga Ba?

Matanda kana. Alam mo na ginagawa mo.

Yan ang madalas naten marinig na payo ng isang kabarkada na ipinapasayo nalang ang desisyon sa iyong problema. Eto ung tipo ng payo na hindi mo alam kung bukal sa puso kasi nakakaloko - yun bang pakiramdam mo tinatamad lang silang pakinggan ang paulit ulit mo na pagsasalita. Yan din ang naririnig naten sa mga kaibigan naten pag tipong ayaw naten pakinggan ang sinasabi nila kasi matigas ang ating ulo. At sa bandang huli, malalaman mo na tama naman pala sila.

Matanda kana.

Minsan iniisip naten, porke sumampa tayo sa isang nasasabing edad o punto sa ating buhay, ay masyado na tayong "may alam" para magkamali. "Alam ko!" with matching emote. Ikaw pa ung galit pag nasasabihan ka. Di naten naiisip na wala sa edad ang karanasan na meron ang isang tao at posibleng ang isang dyis-anyos ay may naranasan at nalalaman na nalilingid parin sa atin. At madalas din, kung maulit man ung isang sitwasyon na naranasan na naten dati, may kargang resbak. Kasi nde na ito papagtuunan ng masyadong madaming atensyon at pag-iisip at lakas kung alam mo na ung gagawin, diba? Ika nga ni, ahm, ung leon sa Chronicles of Narnia na nakalimutan ko na ang pangalan, "Things never happen the same way twice, little one," Basta ganun. Moral Lesson? WAG MASYADONG MAGALING. 

Matanda kana.

Dapat naiisip naten na ang problema ay kasama naten habambuhay. At kung tayo ay tumatanda o gumagaling, tinatapatan din tayo ng mga mas matinding problema. Hindi mo masasabing wala kang problema, kasi kung un ang iniisip mo, padating na yun. Walang edad na wala nito. Nung sanggol ka pa lamang ay pinoproblema mo ang gatas mo at pinapasabog mo ang tenga ng bawat tao sa kwarto para malaman nila yun. Pagsampa mo ng kindergarten ay pinoproblema mo pano magsulat, at kung pano makakakuha pa ng mas madaming kendi. Pagdating mo ng hayskul, pinoproblema mo ung babaeng kras mo na hindi ka pinapansin, at patay ka kasi torpe ka. Matapos ang kolehiyo, pinoproblema mo ang trabaho at ang magiging lugar mo sa mundo. Eto pa isa - Happy ending naba pag nag-asawa ka? MUKHA MO. Proproblemahin mo ang pakikipagkasundo sa taong halos buong buhay mo hindi kilala at ang pagpapalaki sa mga magiging supling niyo. Sa huling bahagi ng kwento ng buhay mo, edad na ang kalaban mo. Malapit na ang finish line.

Matanda Kana.

Hindi gawa sa bakal ang balat at lalong hindi gawa sa bato ang puso. Ang disenyo ng sa tao ay may pakiramdam at nagkakasugat, at ito ay para masulit naten ang buong sarap ng buhay. Hindi ito nagbabago sa pagtanda. Tumindi man ang resistensya mo sa sakit, masusugatan ka parin sa maling ahit. Lumagpas ka man sa sinasabe nilang "puppy love" ay masasaktan ka parin pag merong mahalagang tao na nawala sayo. Masasaktan at masasaktan ka. Tandaan mo yan. Kung dumating ka man sa punto na hindi kana nasasaktan, kongrats nang malaki sayo, pare. HINDI KANA TAO.

Matanda Kana.

Andami ko nang nakitang matatanda, mawalang galang na po, na parang hari o reyna kung magreklamo o humingi ng serbisyo. Hindi ito mali, at kadalasan naman ay may punto sila. Sana lang, hindi pinapairal ang yabang na kasama minsan ng pagtanda. Kulang nalang ay sakalin nila ung mga taong nagtitiis para pagbigyan sila. Pantay-pantay lang tayo dito, mga manong at manang. Tao tayong lahat dito. Gustuhin man ng iba na rumespeto sa nakakatanda, dapat din naman ay makitang karespe-respeto sila. Kung bastos man ung mga kabataan na kaharap nila, dapat lang ng ipakita nila na mas may delikadesa at talino ang mga senior, tama?:)

Matanda Kana.

At tandaan mong hindi ito totoo. Maaaring mas matanda ka sa iba, pero hindi mo pwedeng sabihin ito na parang nasa rurok kana ng kagalingan at nakaaangat ka.

Dapat handa kang matuto.

Dapat handa kang humarap ng problema.

Dapat handa kang masaktan.

Dapat handa kang magpakumbaba.

No comments:

Post a Comment